Marami akong reklamo sa buhay, totoo ‘yon. Dito pa lang sa blog na ito, kung sakali mang napadpad ka at nakapagbasa, hindi mahirap mapuna na halos pitompung porsyento yata ay naglalaman lang ng mga angal, angal at marami pang angal. Tulad na lang ng walang kamatayan kong hinaing tungkol sa Maragondon. Ang aming bayan ng Maragondon na madalas kong ilarawan bilang ubod-saksakan-nuknukan ng liblib. Idagdag pa ang prestihiyoso nitong titulo bilang ‘Brown out Capital of the Philippines’. San ka pa?
Hindi naman sa ayaw ko sa Maragondon. Kabaligtaran pa nga e. Talaga lang yatang merong mga pagkakataon na hindi mo maiiwasang mainis, mapakunot-noo at mapasigaw sa yamot dahil tunay nga naman talaga itong ubod-saksakan-nuknukan ng liblib. At sa isang kolehiyalang kagaya ko na pumapasok sa siyudad, aba e talaga nga namang duduguin ako sa pag-iisip pa lang ng may kung ilang oras (tatlo, apat, lima…) kong pagbyahe mula bahay hanggang eskwela.
Nakakapagod. Mainit. Malagkit. Malayo. Grrrr.
*
Minsan tinanong ako ng isa kong klasmeyt sa PE kung taga saan daw ba ako. Siyempre sinabi ko ang ubod-saksakan-nuknukan ng liblib na bayan a.k.a Maragondon. Hindi ko alam kung masyado lang siyang nadala sa deskripsyon ko o tunay lang talaga siyang may O.A. na imahinasyon. Pero ganito ang reaksyon nya:
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: Taga saan ka nga pala ulit?
Annel: Sa Cavite.
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: Ah talaga? Nakapunta na ko dati diyan sa may mga pinsan ko, Dasma ata ‘yon. Malapit ba kayo dun?
Annel: Nyek, hinde. Malayo pa kami dun. Dun pa kami sa Maragondon. Liblib yung amin as in grabe, sobra. Tipong may mga bundok bundok pa at mga kalabaw at bukid, haha.
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: Oh? Hindi nga?
Annel: Oo nga. Wala ngang mga Jollibee or Mcdo dun e.
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: Weh?
Annel: Haha, ayaw mong maniwala. I swear.
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: E san kayo nakatira?
Annel: Anong saan kami nakatira?
Klasmeyt na itago sa pangalang Pam: Yung tinitirahan niyo…Sa bahay kubo, ganun?
Annel: -wtf-
No comments:
Post a Comment